Tatlong bagay

Inilulugar natin
ang sarili sa kani-kaniya
nating mapa,
sasabihin sa sarili: galing
na ako sa pagkakamaling
ito, gusto ko ‘tong balikan
kasama ka, doon ako
kailangan pero dito
ko gusto, takot akong
malihis at maligaw, nagtagal
ka na dito, doon din naman
papunta ‘yon, malayo pa ‘to.

Darating din tayong lahat diyan.

***

Sabi ng Ale,
may isip ka na.
Alam mo na ang dapat
mong gawin. Ayoko
nang magsalita sa ‘yo,
baka mamaya magdamdam
ka na naman sa ‘kin.

Sabi ni Bote,
anong tula ba ang isusuka
ng kaaway? Matakot tayo
kapag pinupuri nila ang tula
mong nananawagang magrebo.

Sabi ni Mao, simbigat ng bundok tai.

Sabi ni Rose, e, ang tigas kasi
ng ulo.

Sabi ni Manang, tatlo
ang nasa listahan ko:
matutong maggitara,
matutong lumangoy,
matutong kumanta.
Kapag tumatanda talaga…

Pupunta ka bang burol? Tanong ko.

Sabi ng bantay, masaklap
mabiyuda pero hanga
ako sa tatag niya. Iyakap mo
ako, sabi ko.

Sabi ng baril, …

Sabi ng beer, …

***

Bigla na lang daw siyang nawala. Ang kwento, ilang gabi na siyang dumadaing ng sakit ng tiyan. Ayaw naman magpa-doktor kasi magastos daw. Sabado ng hatinggabi, naliligo siya sa pawis nang biglang nagsuka. Sa una, dugo. Tapos naging mga alitaptap. Isang ubo, isang dakot na alitaptap. Ubo sya nang ubo. Sa sobrang lakas nagising ang buong baryo. Tuloy-tuloy siya sa pag-ubo hanggang mapuno ang kubo niya ng alitaptap. Umaapaw sa dami ng alitaptap. Bubong, dingding, pinto, bitana. Humahagok na siya sa pag-ubo, parang kulog. Nagmukhang bolang apoy ang buong kubo. Parang kang nakatitig sa araw. Hindi makalapit ang mga tao dahil hindi makadilat. Maya-maya, biglang tumigil ang pag-ubo at napalitan ng ilang segundong maulutong na halakhak. Nang tumahimik, dumilat ang lahat, wala na silang makita. Patag na lupa na lamang ang dating kinatitirikan ng kubo.