Monthly Archives: April 2014

Sakuna

Napakatagal ng lahat: bawal humakbang ng sunod-sunod, wag biglain ang pag-iinat ng katawan tuwing magigising, dahan-dahan sa pagsasabon ng kamay, unti-unti lang ang pag-inom baka maibagsak ang baso.

Magdadalawang buwan na akong ganito. Araw-araw ang paalala ng sakuna tuwing hirap makatayo o nangangalay ang tuhod sa pagkakaupo.

Napakabilis ng aksidente, napakabagal ng paggaling.

Sakuna
Jimmuel Naval

Maraming nasasawi, lumuluha,
At nauulila dahil kung dumating
Ka ay pabigla-bigla:
Walang paabiso na parang
Magnanakaw at di alam
Kung kailan sasalakay;
Para ring inahing baboy
Na nanganganay at di alam
Kung saan pipirmi at magluluwal.

Subalit ang totoong aksidente
Ay ang pagkaligtas sa pangyayari:
Ang hindi gahasain at patayin
Ng mga magnanakaw, at
Mabuhayan ng kulig
Dahil hindi nahigaan ng grogeng nanay.

Tama, ang kamalasan ay
Kung papaano nalulusutan ang sakuna.

Advertisements