Monthly Archives: December 2014

layuan mo muna si Bukowski

kelan lang pinayuhan ako
ng isang kaibigan, “layuan
mo muna si bukowski, iwas-iwas
sa negative
energy”

napansin ko,
twing nagsasara ako
ng natapos na libro,
parang putik,
tumitining sa pinakailalim
ng lahat kong alalahanin
ang kaluluwa
ng katatapos lang mabasa.
natitipon at bumubukod
sa tubig, mas lumilinaw
ang lahat, at naiiwan itong
kitang-kitang nalalaglag.

putik ang kaluluwa
ng libro, nagmumulto
sakin kapag nasa fx,
o natutulala sa kalye,
bago matulog, habang tumatae.

ganito ako
magbasa.
kaya sabi ko, oo
iiwas ako kay bukowski.
maghuhunos ako ng angas,
maghahawi ng ulap-ulan,
magsusuklay ng kaba,
magtitigil sa yosi,
gv lang ng gv,
magjojogging sa umaga,
bawal nega,
mas dadalasan
ang pagngiti
mas magmukmukhang
masaya
lalo na sa trabaho.

pero wala rin,
huli na
ang
lahat,
nakalabit na ang gatilyo.
umapaw na ang puswelo.
katatapos ko lang ng factotum.
nagsasalin na ulit ako
ng pailan-ilan nyang berso:
balik sa lungga,
balik sa toma,
balik sa pag-alog
sa utak na maputik,
sa utak na malupa.

bukowski lives.

(larawan galing dito.)

Advertisements