Monthly Archives: May 2013

Pinakamalungkot na balita

Tatlong tama ng bala ng baril sa ulo ang pumatay kay Tita Len bandang alas nwebe kagabi sa Brgy. Cruz, bayan ng Bongabon sa Nueva Ecija.

Ang sabi ng mga kapitbahay, nang maalimpungatan daw si Kiko (di totoong pangalan), limang taon na anak-anakan ni Tita Len, ay lumabas ito ng kanilang kwarto para umihi. Nang makita nya ang kaniyang Mama Len na duguan, pumunta daw sya agad sa kapitbahay para humingi ng tulong. “Nanang, nanang, may sakit ang Mama ko,” ang paulit-ulit nitong sinasabi pero hindi siya pinansin. Maya-maya, umiyak na ito at sinabing “patay na ang Mama ko”.

Agad sinamahan ng tatlong lalaking kapitbahay na nag-iinuman si Kiko pabalik sa kanila, ang akala nila ay hinimatay lang si Tita Len at kailangan ng tulong. Pagdating sa bahay napasigaw daw sila at pinagtatawag ang lahat ng kapitbahay, naabutan nila si Tita Len na duguan, patay na na nakaupo sa sala, may hindi pa nauubos na pagkain sa lamesita, nakabukas ang TV, habang tuloy-tuloy na nagriring ang cellphone.

***

Lampas kwarenta na si Tita Len o Eurlene Sebastian, walang asawa at anak, maliban sa pamangkin at anak-anakang si Kiko. May malaking bakuran na taniman ng gulay ang bahay nila, bukid ang kanan at likuran, mga kapitbahay ang nasa kaliwa at kalsada naman sa harapan. Sa likod ng bahay nila ay may mga kulungan ng baboy at  parang pool maliit na sumasalo ng tubig ng water pump gamit pampatubig sa mga gulay sa bakuran at panlinis ng kulungan ng mga baboy. Kapag gabi, masyadong madilim ang bakuran at ang paligid ng bahay, ang liwanag lang nila ay galing sa bahay at sa poste ng ilaw sa kalsada. Siguro’y may isandaang metro ang layo ng bahay ni Tita Len sa bahay ng Lola ko.

Noong gabing iyon, may narinig daw na putok ng baril ang Tita ko pero dahil sa takot ay hindi na lang pinansin. Bago siya matulog ay wala ring tigil ang ring ng cellphone sa bahay, yun pala ay yung Tito kong pulis na nasa Cotabato ang tumatawag. Nauna pa nyang nalaman ang nangyari bago ang mga tao sa bahay.

***

Lumaki ako kasama ng mga tita at tito sa probinsya, sa bahay ng Lolo at Lola ko. Mula nang magkaisip, natatandaan kong nandoon na rin ang Tita Len sa bahay kasama namin. Hindi talaga namin sya kamag-anak. Kolehiyo pa lang daw ay matalik na kaibigan na sya ng kapatid ng Mama ko, si Tita Beng. Taga-Zaragoza talaga siya pero mas gusto niyang sa Bongabon tumira. Matagal na nagtrabaho sa ibang bansa si Tita Len (Taiwan o Japan o Hong Kong yata). Naging ninang ko rin siya.

Siya ang nagpapadala ng mga casette tapes ng mga lovesongs na may songbook . Siya ang nagturo sa akin gumamit ng casette player. Papakinggan namin ang And I Will Always Love You ni Whitney Houston. Kada isang linya ng kanta ay i-pa-pause niya ang tape at isusulat ang lyrics. Kapag tapos na siya sa kanta, ako naman. Ang papakinggan ko at kukunan ng lyrics ay Run To You. Apat na taon pa lang ako noon, bulate at mga tuldok lang naman ang sinusulat ko pero hinahayaan nya lang ako.

***

Itong balita na ito ang gumising sakin kanina. Paanong pwedeng binaril ng tatlong beses sa ulo ang isang taong malapit na malapit sa iyo na para lang isang police report sa dyaryo? Hindi ko maproseso ang pagtawid ng pangyayari mula pelikula o soap opera papunta sa realidad — sa sarili kong realidad, sa taong kilala ko, nagpalaki sa akin, nayakap ko, tinatawag ang pangalan ko — “PJ, mag-uwi ka ng saluyot, gusto ng Mama mo to” — kasabay kong kumain. Isip ako ng isip kung anong pwede kong gawin. Anong dapat kong gawin? Walang kamag-anak kahit isa si Tita Len sa Cruz. Ang pamilya na namin ang pinakamalapit sa kaniya. Sobrang bigat: sa anong napakabigat at makatwirang dahilan pwedeng basta basta na lang malapitang magpaputok ng baril sa ulo ng sino man? Sobrang takot: sa ilang hakbang o isang sigaw lang mag-aabot na ang bahay ni Tita Len sa bahay ng iba pa naming kamag-anak, sa Lola ko, sa mga tita ko, sa mga pinsan kong bata, anong ligtas ninoman? Kapag isang magnanakaw, o mamamatay tao sa gabi, na dumarating ang disgrasya, na may mukha o nakamaskarang itim, kanino mo ililigtas ang sarili? Habang wala kang pakialam at nasa pinakabulnerableng kalagayan ang isip at katawan, isang gabi, habang nanonood ng drama sa gabi, at pumapapak ng mga tirang ulam kaninang tanghalian, at biglang darating ang panganib, inaasahan man o nakalimutan, paano ka namang magiging ligtas? Nagiging totoo ang TV, nagkakaroon ng mukha ang mga datos — unresolved cases, murder, culture of impunity, cold cases, crime rate, killings —  kapag mahal mo sa buhay ang biktima. Tatlong bala sa ulo. Napakaliit ng bala. Wala pang dalawang pulgada ang isang bala ng JS 9mm. Napakaliit ng isang bala pero ng takot na dala nito sa lahat ng nakatira sa paligid, na iniisip kung paano sila makakatulog ngayong gabi nang hindi nagmumuni kung sino ang nakaaway nung isang buwan o nakasagutan sa daan, nang hindi ninenerbyos sa bawat kaluskos sa pinto at baka may bigla na lang pumasok habang natutulog o nagbabanyo sila, lahat ng inabutan ng pinakamasamang balita sa kabilang kanto, sa karatig baranggay, sa kabilang bayan, hanggang dito sa opisina, dito sa bahay, na hinihila ng takot palapit sa kinandado nang bahay ni Tita Len, masusukat pa ba?

***

RIP Eurlene Sebastian.

Hustisya para sa’yo. Hustisya sa lahat. End culture of impunity.