Category Archives: Deletables

ang mga di ko natutunan

Unang beses ko ito.

Nakakatawang alalahanin yung pakiramdam habang sumusulat sa’yo. Nakangisi akong mag-isa. Bawat matatapos na sentence, may tawa ako. At mas nakakatawa kung malalaman mong ilang araw kong pinag-isipan kung paano ko sasabihin ang mga nasabi ko sa sulat. Tina-type ko sa cellphone yung mga naiisip kong magandang segue para dumulo ang sulat ko sa napakalalim na — “ang cute mo”. Kapag may naaalala pa nga akong gusto kong sabihin, inuulit-ulit ko sa isip para hindi makalimutan. Ilang byahe rin sa bus na puro yung sulat na yun lang ang minumuni-muni ko.

Ayokong isulat agad hanggat pakiramdam ko hindi pa tapos, at hanggat may parte pa akong hindi nasasabi o isang bagay na naguguluhan pa ako. Ayokong isulat agad kasi baka hindi ako makapagpigil at ipadala na agad sayo kahit malata pa. Pero napagod na rin ako kakadraft. Dumating ang araw ng paghuhukom, binitay ko na ang paghihintay. Ibinigay ko na nga sa iyo ang matagal mo nang hinihintay. Kahit wala ka namang kamuwang-muwang, paniwala ko, feeling ko, ito na talaga yun!

Pagkabigay ko, naisip ko, Teka may nagbibigay pa ba ng sulat? Ay, kung alam mo lang, naku! Hindi ko kasi ito ginagawa. Walang nagturo sa akin kung paano malalamang nagkakagusto na pala ako, kung paano ginagawa yung pag-amin, at paano nagpaparamdam. Anong kilig? Paano magpahaging at maging medyo obvious? Kaya ngayon na na-Seen-zone ako, hindi ko pa rin alam kung paano magrereact. Magagalit (e kanino?), susuko, maiinis, maghahabol? E kung gumawa kaya ng bagong sulat na dudulo sa — “ang cute mo pa rin kahit sineen-zone mo ko”?

Unang beses lahat sa’kin to, anong gagawin? I-i-status ko ba ng vague sa facebook? Parang ayokong paglaruan, gawing trivial na post, i-la-like, ko-commentan, kahit wala namang alam tong mga hinayupak na to sa pinagdaanan ko ng tatlong araw. Wala rin naman akong alam na paggagamitan nito. Di ko rin pala natutunan mabasted.