Category Archives: Dula

Bomba

D’ Wonder Twins of Boac
PETA 45th Season
Written by Rody Vera
Artistic Director Maribel Legarda

1. Philip Lazaro has impeccable comic timing. Huling-huli niya ako, at ang mga bagets na nanonood, mga sanay na sanay sa sarcasm ni Vice Ganda, na kuhang-kuha na ni Lazaro sa tagal ba naman niya sa stand up comedy. Ang maganda pa sa atake niya, para syang lumalabas sa play at sa character, babalik ulit, parang comedy bar, nang hindi nangangain ng eksena at co-actors.

2. Batay sa no. 1, oo, gets n’yo na, nakakatawa ang palabas. Pero parang mali yung nakakatawa. Entertaining. May nakakaliyong entertainment value, na nakakatakot, ng kaunti, lalo sa akin na mabilis madistract, dahil alam naman natin, minsan, mabilis tayong makalimot kapag tayo ay masaya.

3. Medyo nahabaan ako sa first act, at hintay ako ng hintay kung malapit na bang mag-break time. Hintay din ako ng hintay kung kailan darating ang “umph”, ang rurok, ang tanghaling tapat, na naibigay naman sa second act. Ang kaso , sobrang ikli na pala ng second act, na mukhang sinadyang ihatid ang knockout blow, ng mabilisan — pagkagaling mo ng CR, balik sa teatro, BOOM, labas ng teatro, uuwi kang may tama, na tahimik mong iindahin, dahil pagkwekwentuhan nyo pa sa biyahe kung gaano ka-hot si Bastian, mahusay si Malvolio (?), at dalang-dala ka ni Donya Olivia, hanggang doon na lang pag-uwi ng bahay, bago matulog, doon mo masasabi, “S***, grabe din yun, a!”

4. Malaman – kahit patawa, sapul ka rin sa pasaring tungkol sa art at taste (halimbawa lang, sa drama films vs. bakya comedy), guilty tayo dyan, lalo yung feeling cultured, pasaring sa entertainment industry, ang industriya bilang negosyo, sa homosexuality, sa pagkagusto sa mas matanda sa’yo – kaya nakakatawa.

5. May problema sa teknikal, kasi sumasabog ang tunog sa tapat ng upuan ko, na hindi ko pwedeng palampasin, dahil musical ito, kailangan kong maintindihan ang dialogue na kinakanta. Papalakpakan ko ang live na tugtugan, oo, may live na scoring ito, at dahil mahilig ako sa live na tugtugan, lalo sa mga torotot.

6. Dahil musical ito, kahit pa si Cris Villonco ang bida, hindi niya kayang igiya ang lahat ng nawawala sa tono, at hindi niya kayang isalba ang mga naliligaw na nota, lalo na sa ending song. Dahil mahusay ang stage direction, mapapatawad ko na yung ilang sumasablay sa choreography.

7. Ang nakakabaliw sa palabas, e, di pasaring nga ito sa klase ng enterntainment sa bansa – spectacle, glamour, good looks, opium comedy, katawan, na, sinakyan din naman ng palabas mismo. Kaya kung may kwestiyon ka sa historical accuracy ng play, ang timing nito ay bago ang boom ng bomba films, maniwala sa posisyon nito tungkol sa enterntainment sa bansa kasi pinupuna ng play ang sarili niya. Meta.

8. Sa dulo, iniisip ko kung may maitutulong ba ang dagdag na subtlety para sa ending?, pero natuwa akong tinapos ito na bawat karakter ay may forecast ng kung anong nangyari sa kanila, during and after the boom of bomba films, creative generosity!, pwede nang lead ng mga bagong kwento ang bawat karakter.

9. Nababagabag akong makulimlim, at tuso ang portrayal ng dula sa industriya ng pelikula, na nakakagulat sa akin, ako na isang random na pesimistiko, pero baka yun ang totoo — masangsang talaga ang industriya. Kaso baka maniwala na lang basta yung iba, kasi hindi naman ganoon palagi, siguro, dahil may mga progresibo namang mga pelikula at may matalinong mga artista sa likod at harap ng telon.

10. Hanggang March 3 pa ang D’ Wonder Twins of Boac, wag magpakasuya sa mga sweet-sweetan at kabit movies ngayong February. Watch!

Advertisements