Bukowski, editor, multo, at malansang isda

Kailangan ko ng editor.

Prinoproyekto ko ang pagsasalin ng mga tula ni Charles Bukowski. Nagpost na ako dito sa blog ng isa sa mga natapos kong isalin. Siguro mahigit sampu na ang naisalin ko.

At pulubi akong bigla na lang kumakalabit sa kung sino-sinong kaibigan na matyetyempuhan kong online sa facebook at sa gmail, manlilimos ng komento nila tungkol sa mga naisalin ko.

Nakakahiya rin, hindi sa nakakahiya na parang nakakahiya kasi mangungutang ako, o manghihiram ako ng barong at sapatos. Nakakahiya kasi pagkatapos nila magbigay ng komento, nahihiya na akong magfollow-up pa, halimbawa hindi ko na sila matanong: Yun lang ang masasabi mo? Anong ibig mong sabihin sa sinabi mong “hindi ko sya gusto”? May suhestyion ka ba doon sa sinabi mong “parang hindi ito tama, parang may kulang”?

Nakakahiya na silang pigain, wala silang responsibilidad na magpapiga. Nakiusap na nga lang ako.

Kaya kailangan ko ng mainstay na editor/ kritiko/ proof reader. Yung pwede kong kulitin. Kung pwede, nang-aaway, na bagay lang naman sa akin.

Hindi ko first time magsalin. Sumubok na akong magsalin ng mga tula ni Pablo Neruda dati. Pero hindi seryoso, ibig kong sabihin, seryoso naman ako nang gawin ko yung pagsasalin pero wala akong malayong tanaw na proyektuhin ito, o proyektuhin si Neruda.

May pangangailangang magsalin, sabi ng isang kaibigan.

Minsan kapag sobrang produktibo bigla na lang akong natatakot.

Tama pa ba ito? Para saan ba ito?

Umaabot ako sa “zen” stage ng pagsasalin. Type ako ng type. Basa ng basa, paulit-ulit, isasalin ko sa maraming maraming bersyon. Tapos edit ako ng edit ng mga salita, putol ng putol ng mga linya. Parang lumalabo ang lahat ng nasa background, napupunta ako sa ibang lugar. Nawawala ako sa opisina (dahil madalas sa opisina ako nagsasalin), walang telepono, walang tambak ng papel sa likod, di ko nararamdaman na sobrang lakas ng aircon. Overdrive. Climactic. At nagagawa ko ito ng mabilis. At kapag nakatapos ako ng isang tula, kapag nakakaramdam ng saya, gaya ng mga bagay na madaling nakukuha at nakakapagpaligaya, biglang bumubundol sa dibdib ko ang kaba.

Bakit ang bilis?

Pinakanatatakot ako sa lahat, biglang may bumubulong sa ulo ko: Ano na naman yang pinag-aaksayahan mo ng oras? Nakakakaba na hindi ako makahanap ng rason, na wala naman talaga akong mahahanap na dahilan.

Magbubukas ako ulit ng bagong tulang isasalin. At magsasalin. Hahayaan ko lang na mawala silang lahat, at ako.

Marami rin akong kinakaharap na isyu sa pagsasalin:
– persona ng poet
– lenggwahe ng poet
– panahon kung kailan sinulat yung tula
– ang panahon ko ngayon kung kailan ko isinasalin ang tula
– loyalty ko sa poet, o sa pagsasalin, o sa panahon
– gaano ako kahusay sa jargon at expression ng taga-LA (taga-LA si Bukowski)

Gusto ko na ayaw kong kumuha ng crash course tungkol sa pagsasalin. Masama sa akin ang nag-aaral sa gitna ng pagsusulat. Buhusan mo na lang ako ng nagyeyelong tubig, parehas lang yun.

Ang (suiguro) pinakabumabagabag sa akin, na pinakaayoko ring naririnig mula sa sarili ko, pero palagi ko namang naiisip: limitado ang Tagalog (dahil mainly Tagalog ang gamit kong sa pagsasalin, pero if you feel technical about it, e di Filipino) at napakayaman ng English. Pakiramdam ko taksil ako.

Ang lansa-lansa kong isda!

Advertisements

About Pol

https://northfort.wordpress.com/ View all posts by Pol

5 responses to “Bukowski, editor, multo, at malansang isda

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: