Mga Taong Panaginip

Nitong Myerkules nanaginip ako ng gising.

Pumunta ako kila Jaime at nagkwentuhan kami. Malapit kong kaibigan si Jaime, madalas akong makitulog sa kanila noong nag-aaral pa ako. Isang sakay lang ng Ikot ang bahay nila at UP na. Nakikitulog ako sa kanila kapag di ko matiis na humiga sa maduming bahay ng mga kaibigang tibak. Doon ako nakikitulog sa sofa nila sa sala na katapat ng TV at katabi ng screen door. Doon din namin hinihintay na dumating ang mas batang kapatid na si James kahit gabing-gabi na.

Noong namatay ang mommy nila na empleyado ng Management Office sa UP, na sinundan din kaagad ng daddy nila na kinamatayan na rin ang pagsisilbi sa UP bilang University Police, mas madalas na ang pagtambay sa ulila nilang bahay. Ilang beses din akong nakitulog doon na magkagalit ang magkapatid. Daming problema ng magkapatid noon kung paano magkakasundo sa gastusin sa buhay. Medyo awkward sa akin kapag ganun. Kinakapalan ko na lang ang mukha ko kay James. Kapag nagalit sya at paalisin ako, sabi ko sa sarili ko noon ay magmamakaawa ako sa kanya na kahit sa parking lot na lang ako matulog wag lang akong mahiga kasama ng maruruming damit, maaligasgas na sahig, halo-halong amoy ng yosi, katol, lumang libro, bagong readings, medyas, tsinelas, ulam na luma, ulam na bago, at yung mga halimaw sa lababo sa bahay ng mga tibak dati.*

Kinumusta ko si Jaime kung nagkakagalit pa silang magkapatid. Oo daw. Away-kapatid lang. Habang inililipat nya sa plato ang binili nyang ulam sa Maong’s tiningnan nya ko. Ito nga o, para to kay James.

Kinumusta ko pa sya. Kelan ka gragraduate? Kumusta ang mga bata sa Ugat? Ang mga batang tibak? Totoo bang si ano at si ano na? Kahit dinadahilan nya na hindi sya aktib sa org at di sya nagpapakita sa mga dati naming kasama, alam pa rin niya ang mga kaganapan sa mga tao. Nagtawa kami at nagkantyawan. Kaya kami madalas mapuna noon dahil masyadong matsismis. Hanggang ngayon pa rin naman.

“Natatandaan mo si Joseph?” Bigla nyang naitanong. Kasa-kasama namin sa UP si Joseph noon.

“Oo.” Kwinento kong may nakakita sa kaniya, hindi ko matandaan kung sino, nakasakay sa Jeep sa Recto, nagtitigan pa nga raw sila pero di nakapag-usap, siguro sa gulat o siguro sa pagtataka. Pati na rin si Rosa naikwento kong nanganak na. Nabanggit ko na rin si Rose. Yung karelasyon ni Rose na di ko alam kung asawa na nya. Si Bry at Kayce, ang anak nila. Si K na sabi ko ay katext ko lang kahapon at nanghihiram, at si Haze na palagi kong nakakalimutan ang pangalan at palagi ko lang nasasabi ay “yung babae, yung nakasalamin, yung sinundan ang boyfriend”.

“Para silang panaginip lang.” Natawa ako sa sinabi nya. “Di ko nga alam kung totoo ba sila, e. Dati nandyan. Tapos, bigla na lang silang wala.”

Maya-maya biglang nagkahulan ang apat nilang aso. Tumayo si Jaime at binuksan ang gate. Nandyan na si James. Galing sa pagjojogging sa UP. Naiwan ako sa sala nila na ganun pa rin ang green na cover, maraming lumang gamit ang magulang nya na hindi pa rin naaayos. Nakatitig ako sa Certificate of Recognition ng tatay ni Jaime. Parang panaginip lang din naman ang pagtulog-tulog ko dati dito, kung di ako ulit dumalaw baka nakalimutan ko nang dito ko iniyakan ang una kong pakikipagbreak.

Pati ang daddy at mommy nya, iisipin kong panaginip lang, na mula pagkabata pa sila naulilang magkapatid kung di lang sa mga pinakabagong picture nilang magkakasama na nakaframe sa sala.

Pati naman sila Joseph, pati na yung iba pa, baka isipin kong di naman sila naging totoo kahit kelan, kung hindi pa namin ulit napagkwentuhan.

*Hindi palaging marumi ang bahay nila. Malinis ang bahay ng mga bakti… kapag nauubusan ng pasensya ang kabahay nilang si Dyana na walang ibang magawa kundi isang linggong maggeneral cleaning.

Advertisements

About Pol

https://northfort.wordpress.com/ View all posts by Pol

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: