Lamay in my dreams

Panaginip Writing Exercise 001

Mayo 6 ng umaga

Nagkita kami ni Jun. Nang tanungin ko kung saan siya nagtratrabaho, sumagot siyang eksaherado ang buka ng bibig bawat salita. Walang siyang boses, charade of the lips yata. Nakuha ko ang Philheath [1] at Quezon sa buka ng bibig niya, ang di ko maintindihan ay ang salita pagkatapos ng Philhealth at pagkatapos ng Quezon. “Saan sa Quezon?” paulit ko. Isinenyas ng kanang kamay niya ang Laban sign, ang hand icon sa panahon ni Cory at ng kanta ng Sexbomb, pero imbes na hinlalaki at hintuturo lang, kadikit ng hintuturo ang hinlalato. Akala ko tuloy ang ibig niyang sabihin ay Quezon-Laguna. L for Laguna (magkalapit naman daw yun sabi ng utak ko, parehong nasa South Luzon). May tumawa sa tabi ko at nilinaw ang kahulugan ng L, “Hall yun. Quezon City Hall”. Umilaw ang bumbilya sa bunbunan ko. “Philhealth sa Quezon City Hall”, parang pagsagot sa Game K N B ang pagkakasambit ko.

May kasama siyang dalawang lalaki, yung isa ay mas matanda. Pamilyar ang mukha kaya ang hula ko ay kuya niya. Tinanong ko kung kuya niya ito, umoo naman silang dalawa. Ang isa pa ay mas bata at may sobrang laking bolang itim sa mata, katulad ng mga usong contact lense. Hindi ko tinanong kung sino siya. Ganoon pa rin ang lahat kay Jun (mahahaba at tuwid na balbon sa ibabaw ng maputing kutis sa braso, lawlaw pa rin ang nguso at malalantik na pilikmatang korona ng ping pong balls niyang mata) kung paano ko siya huling nakita nang maghiwahiwalay kami pagkagraduate sa elementarya. Hindi sya nagsasalita sa mundo ng panaginip ko.

May kadarating na patay sa bahay namin at kaya sila nagpunta ay para makipaglamay. Hindi ko sinilip kung sino ang namatay, inisip kong si Tatay (lolo) dahil kay Nanay (lola ko).[2] Aligaga at galit si Nanay sa akin. Inuutusan niya akong kausapin ang mga kapitbahay at humingi ng dispensa dahil sa ingay ng mga nakikiraan papunta sa burol. May bilin pa si Nanay na pagdating ng alas dose, pauwiin na lahat ng nandoon.[3] Sinabi niya iyon sa harap nila Eduardo at ng iba ko pang bisita. Habang tinitingnan ko si Nanay na nagbibilin, napansin kong namumula ng sobra ang ugat sa sulok ng mata niya, iyong malapit sa tulay ng ilong. Nakikita ko itong malinaw at nakazoom-in.

Bago pa dumating ang mga bisita ko, abala ako sa pakikiusyoso. Sa kabaong siguro, hindi ko nakita talaga sa sobrang sami ng tao sa loob ng bahay namin. Madaming sumisilip, nakapaikot gaya ng pinapalabas sa teleserye. Paglabas ko sa umpukan tsaka pa lang dumating ang mga bisita ko.

Bago umalis, nag-apir at nagkamay kami ni Jun. Nakaporma kami na parang magbubunong braso, parang mga gangster, yung inilalapit pa ang mga kamao sa dibdib at nagtatapikan ng likod gamit ang malayang kamay. Si Rengel ang naghatid sa kanila sa bahay. Nagising na akong hindi sila nakaalis ng bahay, natatapos ang panaginip sapat hindi para sa isang malinis na ending. Nag-iiwan lang ito ng sapat mula sa isang matinding climax o nakakakilabot na montage para gambalain ang isip sa umaga.

*****

[1] Pupunta ako sa Philam Towers ng alas 9 ng umaga. Philam, Philhealth, whatever, same banana.
[2] Sa totoong buhay, kamamatay lang ng Tatay noong April 17. Hindi ako nakapunta sa libing. Nandito ngayon ang Nanay sa bahay at nagbabakasyon.
[3] Noong gabi ng panaginip, galing kami sa overnight swimming. Hanggang alas dose ng gabi lang kami pwedeng maligo noon dahil dagdag bayad na kung lalampas pa.

Advertisements

About Pol

https://northfort.wordpress.com/ View all posts by Pol

2 responses to “Lamay in my dreams

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: