Dear J,

Dear J,

Tama ka. Napakalaking “burden” naman talaga ng rebolusyonaryong kilusan ang pag-uugat sa lahat ng problema ng lipunang Pilipino sa imperyalismo.

Sabi mo — nang mapag-usapan ang tungkol kay Kris Aquino tungkol sa tanong na kung paano ikakabit si Kris Aquino sa imperyalismo ng US — ang problema talaga sa mga anti-imperyalista at rebolusyonaryong mga kilusan ay palagi na lang kinanabit ang mga bagay-bagay sa impe. The great logic!

Nakakatawa naman kasi ang tanong ng prof. Ano daw, Kris Aquino?

Ang premisa ko bago matanong ang guro: lahat ng problema ng lipunang Pilipino, maliit o malaki, simple mas sa tingin natin, ay mai-uugat at may tiyak na pagkakawing sa pangunahing ugat ng kahirapan —  imperyalismo, burukrata kapitalismo at pyudalismo (Whoa!). Imperyalismo ang pinatampok. At ang epekto nito, paliwanag ko, ay sumisiksik kahit sa napakaliliit na usapin, ekonomiya, politika, kultura o pangmadalang komunikasyon pa man yan. Kaya nga napunta tayo kay Kris.

Pag-ibig pa nga nag sinabi kong lutasin natin gamit kung saan ibabatay ang imperyalismo bilang pangunahing ugat. Pero may sumingit — e, si Kris Aquino?

Ano ba ang problem kay Kris? Anong problema ng prof sa kanya?

Naisip ko, baka nasusuya na siya sa pagmumukha ng artista at sa lahat ng balita tungkol sa artista. Parang naghihintay din naman ng paliwanag ang mga kaklase natin. Sumagot na ako.

Kung paanong sobra-sobrang lime light ang ipinagkakaloob ng midya kay Kris, iyon sa tingin ko ang kasuka-suka sa problemang tinatawag na Kris Aquino-ism. At saan ako nanggagaling?

Ang paglikha sa isang artista bilang komoditi, nagbibili ng kasikatan, hinahanapan ng magandang packging ng midya at kinokonsumo ng isang bansang pinalaki bilang konsumerista ng mga bagay na sikat, ng mga bagay-bagay tungkol sa kanya, damit, shampoo, pagkain, fabris conditioner, tsismis, personal at politikal na aspekto ng buhay ng mga mayayaman at nasa mataas na kalagayang ekonomiko. Lahat ito, anak ng kulturang globalisado na pamana ng imperyalistang kultura.

Itama mo ako. Hindi ba ganito kung paano pagarbohin ng midya sa US ang dekadenteng kulturang pinalalaganap at ibinebnta nila? Halimbawa, ng palaging nagpapakasal-nakikipaghiwalay na si Britney, o nang walang katupasang pakikipag-away-bati ni Paris Hilton sa kanyang mga BFF, o ang madalas na pagkahuli ni Lindsay Lohan na lasing na nagmamaneho?

Oo, ako man ay inaabot ng ganitong paksa sa usapan. Pinag-uusapan namin ito sa bahay, o kasama ng mga kaibigan ko sa unibersidad. Bakit ko alam ang mga ganitong tsismis? Bukas ang merkado, malaya daw tayong mamimili at makakapamili ng kahit anong gusto natin. Sa midya, ganoon din ang pakita. Walang pilitan. Wala din namang pagpipilian sa katotohanan. Monopolisado ng iilan ang ekonomiya na syang batayan ng kabuuang istruktura ng lipunang sinasalo nito, kultura at politika. Nasaan ang alternatibo at progresibo, kung umay na ang mga tao sa mainstream? Nasa sulok-sulok. Sa lihim, tinatakpan, tina-taboo. Kung hindi man wala ay baka binaluktot na o pinalabnaw paglabas sa merkado.

Si Kris na ba ang maskot ng mainstream sa Pinas? Siguro. Kung sina Lohan at Spears ay inaabot ako ng balita, ano pa kaya si Kris?

Tama ka naman. May kilalang katayuan si Kris para kumuha ng higit pa sa sapat na atensyon. Anak siya ng tinaguriang “Ina ng demokrasya”, Corazon Aquino, ang tagapagbalik ika mo ng demokrasya ng bansa noong dekada ‘80 pagkatapos ng diktaduryang Marcos-US. Ang bunso ng “Martir” na si Ninoy Aquino na lumaban din kay Marcos. At ngayon, sapat nang maging kapatid ng pangulo ng bansa, Noynoy Aquino, para lalo ay ibaling ang lahat ng kamera ng mundo sa kanya.

Hindi nga lang artista, mula sa prominenteng pamilya ng mga politiko, mga mayayamang panginoong may-lupa at may-ari ng malalaking pambansang kumpaya. Ang maligayang mundo ng showbiz na nagbigay sa kanya ng sariling pagkakakilanlan maliban pa sa pagiging Aquino. Ang walang katapusang umiiyak sa ating mga TV screen para ipangalandakang nakipaghiwalay na naman sa kanyang asawang si Ipe, kinakasamang si Joey, at bagong asawang si James. Ang may pinakadramatikong pag-amin ng kanyang sexually transmitted disease sa pambansang brodkast.

Pero pagkatapos ng lahat, ito siya — icon pa ng isang babaeng tumatayo sa kabila ng maraming pagsubok. At ngayon ay lalong sumisikat. Laman ng hindi mabilang na patalastas. Mukha niya ang makikita sa telebisyon, umaga, tanghali at gabi. Lunes hanggang Linggo. Tumatabo sa takilya at ang pinakaglamorosang Horror Movie Queen.

At sa pagtakbo ng kanyang kapatid sa pagkapangulo ng bansa, awtomatikong reyna na siya ng pagpropropaganda. Tagapagbandila ng pagmamahal sa bansa, para sa ikapapanalo ng kaniyang kapatid. Nagpakalinis, nagpabendisyon sa harap ng sambayang Pilipino at hinakot ang lahat ng koneksyon sa showbiz, politika at pribado at komersyal na industriya.

Tama ka naman, J. Grabe ako sa analisis. Pero hindi mo naman sinabi na mali. Ano nga ba doon ang mali?

Sa napakakaunting natutunan ko sa pag-aaral ng historical materialism ni Marx, sa kakaunti at limitado kong pagbabasa at pakikipag-usap sa miyembro ng mga anti-imperyalistang mga organisasyon, natutunan kong wala naman sa mga “hindi karaniwang tao” ang sentro ng kasaysayan. Ano naman kung si Kris ay si Kris?

May kapangyarihan nga ba siya para maging siya? Nalilikha ba ang isang kasikatan mula lamang sa pagiging anak ng sikat, o pagiging kapatid ng mg sikat?

Nagkakasundo ba tayo na ang kalakhan ng mga artista ng showbiz natin sa Pilipinas, si Kris, na lamang ay hindi lang isang artista kundi komoditi? Pinagkakakitaan ang sarili, pinagkakakitaan ng malalaking komersyal na korporasyon kasama na ang kanyang kinabibilangang TV network? Dapat oo.

Kung ang kalakal ay may merkado, may kompitesyon at taktika para tangkilikin ang mga artista. Minsan ay hindi na nga dahil sa pangangailangan ng mamimili ang tulak ng pagiging komoditi ng isang bagay, ang merkado sa katotohanan ay lumilikha ng “pangangailangan”.

Naalala ko, ikaw din naman ang nagsabi na ang hanap ngayon ng mg kompanya at korporasyon ay yaong mga nagtapos sa mga kursong malikhaing pagsulat, pagpipinta o kung ano mang may kinalaman sa sining at pag-aaral pangkultura. Packaging ang labanan — marketing. Patalastas at pagkumbinse. Iba pa ang usapin ng esensyal na pangangailangan ng tao para sa kalakal. Kung ano-anong haka-haka, at pagteteorya na nga lang minsan, ang naririnig ko kung bakit kailangan ng maraming klase ng kalakal. Hindi ba at ganito rin sa showbiz. Patayan ang labanan — literal at metaporikal.

At hindi natatapos ang pag-aaral ng mga bagong paraan ng pagbebenta ng kalakal sa pagpapaganda lang ng balot at balat ngprodukto. Ang higit na mapagpasya — ang mamimili. Ang pinakamaraming klase ng mamimili. Sa konteksto ng Pilipinas, hindi ang mga katulad ko na nasa panggitnang uri sa ekonomikong batayan, o kung ikaw, hindi ko tiyak, baka nasa mas nakatataas na kalagayan ka, ang kalakhan ng populasyon ng mga konsumerista. Sila ay yaong trabahador, na baka ngayon ay kakatanggal lang sa trabaho, silang mga namumugad kahirapan sa mga gilid-gilid ng kalunsuran, o silang nasa mga probinsya at nagtatanim at nagsasaka. Bulnerable sa lahat ng inihahapag ng pangmadlang komunikasyon. Ginawang bulnerable at atrasado ng sistema ng edukasyon.

Paano bumebenta ang isang Kris sa mga katulad nila? Gaya na rin siguro, paanong ibonoboto ng taong bayan ang kapatid niya at ang iba pang politiko na hindi naman nila kauri?

Nasabi ko na nga sa itaas, paulit-ulit ba ako? Nasabi naman siguro sa klase sa required na klase sa mga teorya sa midya. O kung kumuha ka na ng kalse sa panitikan, mateorya din ang ilan sa mga iyon. Nadaanan naman na natin ang hegemony, ideoloy, ideological state apparatus.

Ano pa bang sinabi ko?

A, na kahit ang linya mo ng pagtatanong at ang pagkasuya sa diskusyon ng impe ay kailan lang din nauso. Baka anak ng impe, pinasikat ng global at liberal na merkado. Kailan lang ba naisipan ng ilan na huwag pagdikit-dikitin ang usapin ng politika sa ekonomiya sa kultura sa mga artista sa personal na buhay sa edukasyon at sa pagtingin sa mga bagay-bagay?

Kahit ang pinagmulan ng pamamahayag at midya, politikal at pang-ekonomiko ang motibasyon para umunlad sa hanggang sa kasalukuyan nitong lagay. At para magsilbi na sa mga apolitikal at nagpapantasyang hindi sila nakikisali sa usapin ng politika o sa tunggalian ng ideyolohiyang dinadala nila bunga ng katayuan nila sa lipunan batay sa yaman o kawalan nito, nagmalinis na midya.

Ano bang papel sa iyo ni Kris? Ng midya? Ng kultura?

Pagkwestiyon sa sarili nating paraan ng pagtatanong. Parang ganoon lang naman ang sinasabi ko.

At sa usapin ng “burden”, oo, inaangkin ang trabaho para patuloy na magmulat at ugatin ang mga bagay-bagay bigyan ng malalim-lalim na kagamitan sa pag-aanalisa at pagpapaliwanag sa mga pangyayari hanggat maari sa buong mundo. Sa tumatanaw ng mas maganda pa sa kasalukuyang sistema, nagsusulong at nakikibaka para sa isang kulturang pang-masa at pambansang demokrasya sa kabuuan, ng esensyal na pagbabago higit pa sa araw-araw na nakakasawang mukha ni Kris sa TV, malaki-laki pa nga ang trabaho.

Hindi ka pa nga naaabot ng pagpropropaganda at edukasyon. O, pwede naman na nating simulan. Mag-yogurt tayo?

Classmate

Advertisements

About Pol

https://northfort.wordpress.com/ View all posts by Pol

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: