Pag-asa laban sa pag-asa

Alimuom at Walang Maliw
Dula ni Reuel Molina Aguila
Direksyon ni Chris Millado

Gaano kahirap tanggihan ang sarili? Ang maya’t maya ay tanggapin-labanan ang pwedeng paniwalaan?

Ligalig ang hindi matatanggihang pabaon sa panonood ng Alimuom at Walang Maliw. Maliban pa ito sa siphayo, dahil para sa akin ay kapos ang salitang ‘lungkot’, na kusang ibibigay ninoman na manonood ng dalawang dulang may isang yugto.

Isa
Tungkol sa isang sundalo ng RAM na nagbalik sa kanilang dating safehouse ang istorya ng Alimuom. Pagkatapos ng “People Power” sa Edsa,  kailangang may bumalik upang maglinis ng kalat . Naglilinis ng mga posibleng bakas na magtuturo sa kanila sa kanilang mga pagpatay, at pagtortyur.

Miyembro siya ng isang ispesyal na grupo, intelligence, kontra sa mga progresibo at rebolusyonaryong mga kilusan sa panahon bago at sa diktaduryang Marcos. Sa isang selyadong kwarto na may isang upuan, may isang bentilador at walang bintana, pinagpapawisang ikwinento ng sundalo ang lahat.

Pasa-pasahang panggagahasa sa mga dinudukot na babae, pagdukit ng mata, water cure, pambubugbog, pagkatay sa mga katawan, paglaslas ng mga dinukot na laman loob ng tao – mga kasahulan at kasahulaan. Pati na ng mga mental na tortyur at pananakot. Lahat ng paraan para mapagsalita sa kanilang mga tanong ang mga tinuturing na subersibo at komunista: Sino-sino pa kayo? Saan-saan sila nagtatago?

Isa lamang siya sa lima myembro ng kanilang ispesyal na grupo. Bawat miyembro, kanya-kanyang taktika sa interogasyon. At bawat miyembro, maliban sa kanya at sa isa pa, kung hindi siya ang pumatay ay naitumba at nagbayad na ng buhay para sa kanilang ginawa. Ang lima, kasama si “Major” – sila lang ang nakakaalam sa malahayop nilang mga operasyon. Hindi nga sikreto ang sikreto kung maraming nakakaalam. Kaya’t sa dulo ng palabas, isang putok ng baril ang para kay Major at pag-ako ng responsibilidad sa pagsasarili. Manatiling lihim ang lihim.

Tatlo
Tatlong karakter naman ang gumanap sa Walang Maliw. Si Mommy, Daddy at si Leny.

Kaarawan ni Leny, kabataang namundok para makibaka sa porma ng pagtangan ng armas. Sa harapan ng cake sa isang sala, doon naghihintay si Mommy at Daddy, pawang mga guro sa isang unibersidad.

Si Mommy, umaasa, naniniwalang pagkatapos ng maraming taon, sa kabila ng mga balita ng pagdukot sa anak, ay babalik ito. Na baka natagalan lamang, gaya ng pagkaantala nitong bumaba sa lunsod gaya noon. Si Daddy, sa pag-intindi kay Mommy ay patuloy na hinahayaan ang mangulila nito. Kasabay nito, walang tigil niyang kinukumbinsi na tanggapin ang posibilidad, o kaya ay kilalanin na ito bilang katotohanan, wala na si Leny. Sa paghikayat kay Mommy, hiniling niyang bumalik ito sa kanya hindi lang bilang isang ina kundi bilang asawa. At sana ay bumalik na din ito sa pagtuturo na iniwan nya matapos mawala ang anak.

Sa pagitan ng diskusyon, binalikan ng mag-asawa ng kanilang kabataan. Pagkakakilala sa unang araw ng pasukan, panimula ng pagliligawan, panahon ng pagsama-sama sa mga rali, pagiging aktibista, hanggang sa magkapamilya at magturo na lamang. Pero hindi daw sila tumigil maging aktibista, ika nila. At si Leny, kung kaya naging kung ano siya ay dahil sa pagkilala din nila sa paniniwala ng anak sa larangan ng pakikibaka. Pagsasalin ng pangarap, sabi ni Daddy.

Pagkatulog ni Daddy matapos ang ilang bote ng beer, sorpresa, dumating si Leny. Nanatiling tulog si Daddy habang nagkakamustahan ang mag-ina. Sa dulo ng kanya-kanaya kwentong naipon sa tagal ng hindi pagkikita at sa pagkasabik, kailangan nang umalis ni Leny. Gustong sumama ni Mommy, pero kailangan niyang magpaalam kay Daddy. Pero hindi pwede sabi ni Leny. Wala nang oras, sasama ba siya o hindi? Pinili ni Mommy ang manatili, ang umalis si Leny nang walang ipinaalam kung makakabali pa.

Paglapit ni Mommy sa natutulog ay nagising ito. Sinabi niya, sa pagitan ng maluwag na pag-iyak sa balikat ni Daddy, bukas ay sasabay siya papasok ng unibersidad para tingnan kung pwede pa siyang magturo.

Wala
Disclaimer: Baliw ako, ngayon. Bla bla bla.

Hindi ito ang dapat na kasunod ng rebyu na ito. Pero, tsss, gusto ko na lang itong tapusin. Sabihin ang mga punto. Tsaka ko na aayusin para maging katanggap-tanggap sa kapormalan ninoman.

Shoot.

Una, mas nakakaiyak para sa akin yung unang dula. Dapat nakakadiri sya kasi puro kababuyan, kahayupan, hindi makataong aktibidad ang daloy ng linya ng aktor. Pero, naiiyak ako noon.

Naiiyak ako dahil may mga tao akong nasa isip na ginagawan ng mga tortyur. Hindi lang laman loob ng kung kaninomang katawan ang naiimagine ko sa bawat bato ng linya. Basta, sa lahat. Malinaw ang mukha. May mata. May pangalan. Kilala ko. Sa isip ko, siya ang pinapatay, pinahihirapan.

O kung hindi man, yung tatay niya, kapatid, kaibigan o karelasyon niya na naiwan ang inaalala ko. Iniisip ko kung anong nararamdaman niya kung malaman niya ang ginagawa sa pinahihirapan niyang minamahal. Nakikilimos ako ng pakiramdam, pakiramdam sa imahinasyon ko, pinapangunahang lungkot. Mga panggatong sa lungkot. Mas malungkot kaysa mandiri.

At sa totoo, hindi ako nag-iimagine. Kilala ko nga. Alam ko kung sino ang tauhan sa isip ko na pinag-uukulan ng pagpapahirap na idinadaldal ng aktor sa harap ko. Nangangalinsag ang balahibo ko mula pulso hanggang batok. Nasasakal ako ng puso kong tumalon yata sa lalamunan.

Pangalawa, kaya nakakaiyak yung Walang Maliw dahil nasa harapan ko ang mga kaanak ng real life desaparecidos. Kaibigan ko ang isa. Mag-aapat na taon nang wala ang nanay niya. At ang makapanood ka ng dula tungkol dito, walang pangangani-nganing tinuklap nito ang langib ng mga taon atnandoon ang hilaw na hilaw na sugat. Madugong madugo pa rin.

Hindi ko kinaya. Hindi ko kayang umiyak. Parang gusto kong tumalon o gumulong-gulong, o sumigaw, o magkamot ng magkamot ng ulo o sabunutan ang sarili ko hanggang makalbo.

Pag-asa laban sa pag-asa . Sa dula, masaya at resolved na tinapos ang lungkot ni Mommy. Ang pagtanggap. Paglaya.

Pero wasak na wasak ang pag-asa ng mga umaasa pa, ang mga nasa reyalidad. Na may babalik bigla. Silang mga nakabitin pa rin sa hangin at hindi masungkit-sungkit ang desisyong tanggaping patay na ang mga hinahanap. At ito ang mga desisyong nagpapalit gaya ng galaw ng kamay ng orasan. Mabilis, paikot-ikot, paulit-ulit. Aasa ngayon, hindi na mamaya. Napakasakit, kung sa akin. Hindi kaya ng luha ang lungkot na iyon.

Ikatlo, napakahusay ni Daddy gumanap ng ppapel niya.

Ikaapat, a. Hindi ko na sasabihin at ipapaliwanag pang hindi nawawala sa panahon ang dula. Nananatili ang konteksto hanggang ngayon. Ano bang aasahan sa militar at pulis, armas ng pandarhas para sa pagpapanatili ng status quo iyan. Hindi sila masasamang tao–

isa pa pala iyon!

Ikalima, nakakaligalig na binigyan ng damdamin bilang isang mahina at bulnerableng tao ang sundalo sa Alimuom. Ang kontradiksyon niya bilang tao, naipit sa tungkuling pinasok at hindi na makalbas, at ang tungkulin bilang alagad ng estado. Siya bilang tao na kinikilala ng mga ginagawa niyang hindi makatao. Hindi ko kaya iyon, muntik na. Basag ang stereotyping. Nagkaroon ng mukha ang dahas. Lumuluhang mukha.

–balik sa ikaapat, pero kinain na sila ng sistema ng walang katarungang dahas. Pinaniniwalaan na nga nila ang sarili nilang propaganda!

Huli na. Maganda ang epekto ng malapitang pagtatanghal. Lumalapit sa iyo ang dula, literal at metaporikal.

Advertisements

About Pol

https://northfort.wordpress.com/ View all posts by Pol

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: